DOE: P12/L fuel subsidy sa PUVs hanggang Setyembre

MANILA, Philippines — Tiniyak ng Department of Energy (DOE) na magpapatuloy hanggang sa Setyembre ang ipinagkakaloob nilang P12 kada litro na fuel discount para public utility vehicle (PUV) operators at drivers.
Inianunsiyo ni DOE Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad ang magandang balita sa isang pulong balitaan na idinaos nito kahapon.
“Ang assessment natin ay per monthly basis, kung itutuloy o ihihinto ‘yung fuel subsidy. Good news, for September there is now a decision na tuluy-tuloy ang fuel subsidy program,” ayon pa kay Abad.
Una nang itinaas ng pamahalaan ang ipinagkakaloob na fuel discount sa mga PUV operators at drivers ng mula P10 kada litro hanggang P12 kada litro, simula noong Agosto 15.
Sa tulong ng naturang fuel discount, ang mga kuwalipikadong benepisyaryo ay makakatipid ng hanggang P1,800 kada linggo.
Batay sa datos ng DOE, nabatid na hanggang Agosto 19, nasa 97,910 PUV operators at drivers na ang nakinabang sa fuel subsidy program ng pamahalaan.
- Latest

















