‘Batas, hindi takot!’
HINDI maliit na bagay ang sinabi umano ng isang opisyal ng Chinese Embassy sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), na pinag-iisipan daw ng mga hardliner sa Beijing ang posibleng pagganti laban sa mga Pilipino sa China matapos salakayin ng gobyerno ang isang steel plant sa Misamis Oriental.
Kung totoo ang pahayag, aba, hindi ito dapat basta isantabi. Pero mas malaking tanong ngayon, ano ba ang gusto nating ipahiwatig na kapag Tsino ang sangkot, dapat umatras ang gobyerno?
Hindi puwede iyon. Ang operasyon sa Sanjia steel plant ay ipinaliwanag ng PAOCC bilang isang law enforcement operation, hindi kampanya laban sa China o sa mga Tsino. Ang usapin ay umano’y may kinalaman sa mga substandard na materyales, hazardous substances at posibleng radioactive materials na maaaring maglagay sa panganib sa mga ordinaryong Pilipino. At dito dapat tumigil ang lahat ng paligoy-ligoy.
Batas ang pinag-uusapan dito. Kaligtasan ng tao ang pinag-uusapan. Buhay ng mga Pilipino ang nakataya. Kung may dayuhang lumabag sa batas, imbestigahan. Kung may Pilipinong lumabag, imbestigahan din. Walang dapat maging VIP dahil lamang sa kulay ng pasaporte.
Pero may isa pang tanong na masakit isipin, Kung may mga Pilipino sa China, ibig bang sabihin ay puwedeng gamitin ang kanilang kalagayan para takutin ang Pilipinas?
Hindi dapat. Ang mga Pilipinong nagtatrabaho at namumuhay sa ibang bansa ay hindi dapat gawing panakot, pambala o hostage sa usaping pampulitika. Hindi sila dapat maging presyo ng pagpapatupad ng batas dito sa sariling bayan.
At tungkol naman sa mga Tsino na naaresto sa operasyon—kung wala silang pormal na kaso, natural lamang na dumaan sila sa tamang proseso at mapalaya kung iyon ang hinihingi ng batas. Hindi rin tama na basta-basta ikulong ang sinuman dahil lamang siya ay dayuhan. Pero kabaligtaran din nito ang dapat nating tandaan. Hindi rin tama na palampasin ang posibleng paglabag dahil lamang Tsino ang sangkot.
Kung may ebidensiya ng krimen, trabaho ng mga awtoridad na kumilos. Kung walang sapat na ebidensiya, trabaho rin nilang patunayan iyon sa tamang proseso. Ganito dapat kasimple.
Ang nakakainis lang, bakit tila kapag may operasyon laban sa isang pasilidad na pinapatakbo o inuugnay sa mga dayuhan, biglang nagiging sensitibo ang usapan? Ang radiation walang passport. Ang lason walang nationality. Ang sakit walang Chinese o Filipino. Kung talagang may radioactive o substandard steel na maaaring magamit sa mga gusali, imprastraktura o iba pang proyekto, hindi lang iisang henerasyon ang maaaring maapektuhan.
Iyan ang dapat katakutan. Hindi ang pagkondena ng ibang bansa. Hindi ang diplomatic pressure. Hindi ang galit ng sinumang makapangyarihang grupo.
Ang dapat kinatatakutan ay ang isang araw na may Pilipinong pamilya na nagbabayad ng mahal na ospital dahil sa isang bagay na dapat sana’y pinigil ng gobyerno noong una pa lang.
Sabi ng PAOCC, magpapatuloy ang operasyon laban sa mga steel plant na pinaghihinalaang gumagawa o gumagamit ng mapanganib at substandard na materyales.
Tama lang. Kung may mali, silipin. Kung may ilegal, hulihin. Kung may ebidensiya, kasuhan. Kung walang sala, linisin ang pangalan. Pero huwag hayaang ang takot sa posibleng pagganti mula sa ibang bansa ang maging preno sa pagpapatupad ng batas sa Pilipinas.
Hindi anti-China ang pagiging pro-Pilipino. Hindi rin anti-Chinese ang pagprotekta sa buhay ng mga Pilipino.
Ang tunay na problema ay hindi kung Tsino, Pilipino o kahit anong lahi ang nasa loob ng warehouse o pabrika.
Ang tanong, sumusunod ba sa batas? At kung may lumalabag, sino man siya Tsino man, Pilipino man, mayaman man o makapangyarihan dapat managot.
Dahil ang batas na namimili ng tinatamaan ay hindi batas. Palusot lang iyon na naka-uniporme.
- Latest

















