Bebot kulong habambuhay sa drug trafficking
MANILA, Philippines — Iniulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong Martes na hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo ang isang babaeng sangkot sa ilegal na kalakalan ng droga sa Cebu City
Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Isagani R. Nerez, si Maria Christine Gonzales Abarquez, na kilala rin sa tawag na “Tinang” ay napatunayang nagkasala sa paglabag sa Section 5 (Sale of Dangerous Drugs) at Article 11 (Possession of Dangerous Drugs), ng Republic Act No. 9165, na mas kilalang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa isang desisyong binubuo ng 22 pahina na may petsang Hulyo 9, 2026, napatunayan ng Regional Trial Court, 7th Judicial Region, Branch 57 sa Cebu City na nagkasala si Abarquez sa ilegal na pagbebenta ng 996.30 gramo ng methamphetamine hydrochloride, o shabu, at sa pagmamay-ari ng 3,991.26 gramo ng illegal drugs. Hinatulan ng korte ng habambuhay na pagkakulong at inutusang magbayad ng multa na P500,000 para sa bawat paglabag.
Naaresto si Abarquez sa isang buy-bust operation na isinagawa ng mga operatiba ng PDEA Regional Office VII noong Oktubre 11, 2024, sa kahabaan ng Cokaliong Street, Barangay Carreta, Cebu City.
- Latest





















