^

PSN Opinyon

EDITORYAL — ‘Unusual’ pero hindi suspicious

Pilipino Star Ngayon

KUNG pribadong tao o negosyo ang may-ari ng isang bank account, tiyak na mangkukuwestiyon agad ang banko sa withdrawal na P125 milyon sa isang transaksiyon. Pero dahil ang Office of the Vice President ang may-ari ng account at nasunod naman ang procedures, “unusual” lamang ang tawag ng Landbank branch sa Shaw Boulevard sa withdrawal pero hindi “suspicious.” Ito ang inamin ni Violeta Constantino, dating branch manager ng Landbank, sa kanyang testimonya sa Senate impeachment court noong Hulyo 29, 2026.

Apat na beses inulit ito, apat na tseke na P125 milyon bawat isa, na may kabuuang P500 milyon, na na-encash ng OVP Special Disbursing Officer Gina Acosta sa pagitan ng Disyembre 2022 at Hulyo 2023. Sa 32 taong karera ni Constantino sa Landbank, hindi pa siya nakaranas ng ganito kalaking cash withdrawal. Inilagay ang pera sa tatlo hanggang apat na gym bag, iginulong palabas gamit ang trolley papunta sa mga sasakyan. Walang armored vehicle, walang proteksiyon.

Para sa ordinaryong Pilipino, P500,000 na lang ang threshold para maging “unusual” ang isang withdrawal. Ibig sabihin, 1,000 beses na mas malaki sa normal na limit ang kinuha ng OVP sa loob lamang ng walong buwan pero hindi pa rin ito nag-trigger ng anumang alarma. Sinabi ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na hindi awtomatikong illegal ang isang bagay dahil­ lang “unusual” ito. Tama iyon. Pero ang tunay na tanong ay hindi sa legalidad nito, kundi kung bakit napakadali para sa isang ahensiya ng gobyerno na gawin ang isang suspetsosong bagay na kung gagawin ng isang private citizen ay magiging kakuwestiyon-kuwestiyon ito.

Ito ang tinatawag na “presumption of regula­rity”, ang pagpapalagay na dahil gobyerno ang account holder at nasunod ang proseso, wala nang dapat pang tanungin. Ipinaliwanag din ng mga opisyal ng ibang bangko sa mga imbes­ti­gasyon ukol sa flood control scandal na ga­nito rin ang ginawa nila sa mga account ng DPWH, kahit­ malalaking halaga ang kinukuha nang cash. Ang problema, ang presumption of regularity ay dapat umaasa sa malinis na pamamahala. At ngayong nalantad na ang bulok na sistema sa paghawak ng pondo ng bayan, hindi na dapat basta ipagpalagay na regular ang lahat, kahit sino pa ang account holder.

Hindi dapat sapat ang “sinunod naman ang procedures” bilang katwiran. Dapat baguhin ang batas at regulasyon para hindi na basta maituring na “regular” ang malalaking cash withdrawal ng anumang ahensiya ng gobyerno, kahit VP pa ang account holder. Kailangan ng mas mahigpit na threshold, obligadong pagre-report, at tunay na pagsisiyasat.

Ang perang kinukuha sa banko ay pera ng bayan. Hindi ito dapat lumabas na parang pang­karaniwan lang ito, kahit anong ahensiya ang gumagalaw nito.

TRENDING

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with