Eala, Venus pukpukan sa training
MANILA, Philippines — Handang-handa na sina Alex Eala at tennis legend Venus Williams na makipagsabayan sa doubles event ng WTA 500 Mubadala D.C. Open na magsisimula sa Lunes sa Washington D.C.
Sumalang sa matinding ensayo sina Eala at Williams upang magkaroon ng magandang chemistry bago magsimula ang bakbakan.
Sa post ng mga organizers sa kanilang official social media accounts, nakitang nagsasanay sina Eala at Wiliams kung saan may ka-tuneup ang dalawa.
Kita na nag-eenjoy ang dalawa habang nasa training ang mga ito.
Gumagawa na rin ang dalawa ang estratehiya para sa kanilang laban.
Ito ang ikalawang pagtatambal nina Eala at Williams sa WTA Tour.
Una na sa Bad Homburg Open sa Germany kung saan umabot sa quarterfinals ang dalawa.
Sa kanilang unang pagsasama, sinabi ni Williams na hindi sila nakapag-ensayo bago ang torneo.
Kaya naman sa pagkakataong ito, siniguro nina Eala at Williams na makakapag-ensayo sila para masigurong solido ang kanilang galaw sa loob ng court.
Hanga si Williams sa husay at determinasyon ni Eala sa loob at labas ng court. Para naman sa Pinay netter, malaking karangalan ang makapares ang isang tennis icon na tulad ni Williams.
Magkakaalaman na ngayong araw kung sino ang unang makakalaban ni Eala sa singles at sa doubles base sa isasagawang draw ceremony.
Ilan sa mga sasabak sa Mubada Open sina defending champ Leylah Fernandez, Jessica Pegula, Elina Svitolina, Naomi Osaka, Anna Kalinksaya at Madison Keys.
Target ni Eala na makakuha ng magandang resulta sa Mubadala Open upang mas tumaas pa ang puwesto nito sa world rankings.
Kasalukuyang nasa No. 28th spot si Eala sa WTA live rankings.
- Latest
















