2 Pinoy seafarers, nasawi sa Black Sea attack!

MANILA, Philippines — Kinumpirma ng Department of Migrant Workers (DMW) na dalawang Pinoy seafarers ang sinawimpalad na masawi sa mga drone attacks sa mga barkong nag-o-operate sa northern Black Sea.
“We are sad to report that there had been two fatalities out of these attacks, 12 injured at one missing,” pahayag ni DMW Secretary Hans Cacdac.
Ayon kay Cacdac, ang pag-atake na ikinasawi ng unang tripulanteng Pinoy ay naganap sa pagitan ng Hulyo 6 at 7. Natukoy na nila ang pagkakakilanlan ng biktima at naimpormahan na rin ang pamilya nito. Ang ikalawang pag-atake na ikinasawi ng ikalawang tripulante ay naganap lamang kamakalawa at nakikipag-ugnayan na sila sa pamilya nito.
Tiniyak ni Cacdac na inaasikaso na nila ang repatriation ng mga labi at inihahanda na ang mga kaukulang tulong na ipagkakaloob sa pamilya ng mga ito.
Ayon kay Cacdac, hanggang nitong Hulyo 20, siyam na barko na pawang may lulang mga tripulanteng Pinoy ang iniulat na inatake sa pamamagitan ng drones, habang dumadaan sa northern Black Sea o dumadaong sa mga pantalan ng southern Ukraine.
Muli ring nagpaalala si Cacdac na ang Black Sea ay ikinukonsiderang high-risk at war-like zone ng International Bargaining Forum at ng DMW. Naglabas din silang muli ng abiso sa mga may-ari ng mga barko na iwasan muna ang pagbiyahe sa mga naturang warlike areas.
- Latest



















