Reservist record ni Padilla sisilipin

MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang pagsisiyasat sa reservist record ni Senador Robin Padilla matapos nitong aminin sa Senado na isa siyang komunista.
Kasabay nito, lumalakas ang panawagan na patalsikin si Padilla bilang reservist ng Philippine Army dahil sa kanyang pag-amin. “Well, the AFP probably should take note of that and you know do its process accordingly,” pahayag ni Teodoro sa isang press briefing.
Sa tala ng Philippine Army, naging reservist si Padilla noong 2019 bilang huwaran umano sa kabataan at may ranggong Captain. Gayunman, noong nakaraang linggo sa kasagsagan ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, walang pasubaling inamin ng senador na isa siyang komunista, at idolo sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at VP Sara.
Ayon sa panuntunan ng AFP Reservist Program, sinumang makagawa ng kabalintunaan ay maaaring mapatalsik, gaya ng nangyari kay dating Cavite Rep. Kiko Barzaga na tinanggal bilang reservist. Nakatakda namang sumailalim sa proseso at imbestigasyon ng Phl Army ang pag-amin ni Padilla.
Samantala, sa pahayag ni dating Interior Secretary Rafael Alunan, iginiit nitong walang puwang sa Senado si Padilla at dapat nang patalsikin bilang senador, bukod pa sa pagsipa sa kanya bilang reservist ng Army dahil umano’y kalaban ng estado.
- Latest




















