Delivery helper, kisay sa kuryente
LIGAO CITY, Albay, Philippines — Hindi na umabot nang buhay ang isang delivery helper matapos mangisay nang makuryente habang nagbababa ng mga kargamento sa ibabaw ng bubong ng kanilang closed van truck sa Purok-2, Market Site, Brgy.Bagumbayan, Ligao City, Albay kahapon ng umaga.
Sinubukan pang isugod ng mga responders sa Josefina Belmonte Duran Albay Provincial Hospital ang biktimang si alyas “Greg”, ng Iriga City, Camarines Sur pero sa tindi ng boltahe ng kuryenteng dumaloy sa kanyang katawan ay agad siyang nasawi.
Hawak naman ng Ligao City Police ang driver ng kanilang sasakyan na si alyas “Bert”, ng Naga City at inaalam kung may pananagutan sa insidente.
Sa ulat, dakong alas-8:50 ng umaga, pumarada ang closed van truck sa tabi ng kalsada upang magbaba ng mga kargamentong junk food merchandise. Umakyat ang biktima sa itaas ng kanilang truck, pero hindi nito napansin ang live wire ng kuryente at aksidente niya itong nasagi.
Agad nangisay ang biktima at walang malay na humandusay sa ibabaw ng bubong ng kanilang truck. Agad rumesponde ang mga tauhan ng Ligao City Police Station at CDRRMO at maingat na naibaba ang walang malay na biktima saka isinugod sa pagamutan, pero ideneklara itong dead-on-arrival.
- Latest



















