Gilas masusukat sa Manawatu Jets
MANILA, Philippines — Paiigtingin ng Gilas Pilipinas ang paghahanda nito para sa krusyal na ikatlong window ng 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers simula sa pares ng tune-up games kontra sa pro clubs ng New Zealand.
Unang makakatapat ng Gilas ang Manawatu Jets sa homecourt nito ngayon sa Fly Palmy Arena bago sagupain ang Franklin Bulls sa Franklin Pool and Leisure Center bukas.
Kagagaling lang ng Gilas sa isang linggong training camp sa Brisbane, Australia, kung saan ipinahiram sa kanila ng Brisbane Bullets ang kanilang training facilities sa High Performance Center.
Bahagi ng pinahabang training camp ng mga bataan ni coach Tim Cone sa Oceania ang pag-adjust sa malamig na klima bukod pa ang paghahanda sa mismong laro.
Lumipad ang Gilas pa-Australia nitong Lunes matapos ang isang linggong pagsasanay sa Pilipinas kabilang na ang open practice sa harap ng fans at media sa Filoil Playtime Center sa San Juan.
Bagama’t wala ang twin towers na sina Kai Sotto at Quentin Millora-Brown, ipaparada ng Gilas kontra sa Jets at Bulls ang palabang roster sa pangunguna nina naturalized player Justin Brownlee at 9-time PBA MVP June Mar Fajardo.
Swak din sa koponan sina Juan Gomez de Liaño ng Converge at RJ Abarrientos ng Ginebra, Chris Newsome ng Meralco, Carl Tamayo, AJ Edu, Kevin Quiambao at Dwight Ramos mula sa Japan at Korea habang dinagdag sina Troy Rosario ng Ginebra, Justine Baltazar ng Converge at Mike Phillips ng La Salle at San Juan sa MPBL.
Pinalitan sina Sotto, Millora-Brown, Calvin Oftana ng Talk ‘N Text, CJ Perez ng San Miguel at Scottie Thompson ng Ginebra.
Naghahanda ang Gilas upang makabawi sa New Zealand sa Auckland sa Hulyo 3 at kontra sa Australia sa Perth sa Hulyo 6 matapos ang 69-66 at 93-66, na kabiguan noong nakaraang window, ayon sa pagkakasunod.
May 2-2 kartada ang Gilas sa Group A at sigurado na sa 2nd round subalit kailangan pa ng mga dagdag na panalo dahil sa carry over format kontra sa Jordan, Iran at Syria ng Group C.
- Latest




















