Hiyasmin (249)
Madalas dalawin nina Hiyasmin at Dax si Mama Lira sa apartment nito. Kapag Sabado at Linggo ay doon sila nagla-lunch. Masaya silang nagkukuwentuhan. Pinag-uusapan din nila ang mga preparasyon para sa binabalak na pagpapakasal.
Isang araw ng Linggo, nag-grocery sila. Si Hiyasmin ang nagyaya sa ina. Gusto raw niyang iparanas sa ina ang mga hindi nito naranasan noong nakikisama pa sa “demonyong” lalaki. Kasama rin nila si Dax sa grocery.
Habang namimili ng mga bibilhin sina Mama Lira at Hiyasmin, isang babae ang biglang lumapit sa kanila. Ang babae ay mga kasing-edad din marahil ni Mama Lira. Mukhang mabait.
“Excuse me, di ba ikaw si Lira?” tanong ng babae.
Hindi agad nakasagot si Lira. Hindi niya maalala ang babae. Pilit niyang inaalala pero hindi niya maisip.
“Naging kapitbahay mo sa Al-Amahdi, Kuwait—ang bahay ng amo mo, katabi ng amo ko!”
Biglang naalala ni Lira. Maid din ang babae. Naalala niya ang pangalan.
“Siony?”
“Ay salamat at naalala mo ako. Siguro mayaman ka na kaya hindi mo ako nakilala. Kumusta ka Lira? Ang ganda mo pa rin!”
“Eto mabuti naman, Siony. Siyanga pala, siya ang anak ko—si Hiyasmin,’’ sabay turo kay Hiyasmin.
Tiningnan ni Siony si Hiyasmin. Humanga sa ganda.
(Itutuloy)
- Latest