Remulla pinagkanulo sarili - Imee

Sa ICC arrest kay Duterte
MANILA, Philippines — Maituturing na “smoking gun” ang pagsisiwalat ni Interior and Local Government Jonvic Remulla hinggil sa isang “core group” na umano’y nagplano ng pag-aresto kay dating pangulong Rodrigo Duterte.
Ito naman ang sinabi ni Sen. Imee Marcos, kasabay ng pangamba sa tinawag niyang “planado at labag sa Konstitusyon” na hakbang ng ilang matataas na opisyal ng pamahalaan ang pag-aresto sa dating pangulo ng bansa.
Ibinunyag din ni Marcos na lumabas sa preliminary report ng Senate Committee on Foreign Relations na tinulungan ng gobyerno ng Pilipinas ang International Criminal Court (ICC) sa pag-aresto kay Duterte, kahit na wala itong legal na obligasyon para gawin ang nasabing hakbang at nagsimula na ang paghahanda bago pa man ang Marso 11.
“Na-mobilize na ang mga yunit ng pulisya noong Marso 10 pa lamang. Si National Security Adviser Eduardo Año ay mino-monitor na ang kilos ni Duterte, at may mga opisyal ng ehekutibo na nagsabing makikipagtulungan ang administrasyon sa ICC sakaling dumaan sa Interpol ang kahilingan para sa arrest,” ayon kay Marcos.
Iginiit ni Marcos na hindi kailangan ng Pilipinas na arestuhin si Duterte o i-turn over sa ICC dahil ang bansa ay nakatanggap lamang ng Diffusion Notice, na hindi aniya beripikado at hindi naaprubahan ng International Police Organization (Interpol).
“Kahit sa ilalim ng mga tuntunin ng Diffusion Notice, walang obligasyon sa panig ng Pilipinas na i-turn over si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte (FPRRD) sa ICC, walang anumang kahilingan para sa extradition o kahilingan para sa pagsuko,” saad ni Marcos.
Sinabi rin ni Marcos na ang pag-aresto kay Duterte ay lumabag sa kanyang mga karapatan, dahil walang korte sa Pilipinas na naglabas ng warrant.
- Latest