Pagkansela sa pasaporte ni Roque, pag-aaralan ng Malacañang
MANILA, Philippines — Pag-aaralan at ikokonsidera ng Malacañang ang mungkahi na kanselahin ang pasaporte ni Atty. Harry Roque matapos tumakas palabas ng bansa upang makaiwas sa pagharap sa kasong human trafficking at sa warrant of arrest na inilabas ng Kamara.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, bagama’t hindi napag-uusapan ang tungkol kay Roque sa Malacañang, maaaring pag-aralan ang mungkahi dahil mayroon naman itong naka-pending na kaso sa Department of Justice (DOJ).
Sinabi ni Castro na mabigat ang kasong kinakaharap ni Roque dahil wala itong piyansa kaya titingnan ng Palasyo kung ano ang mainam na gawin sa dating opisyal ng Malacañang, lalo na kung mayroon itong warrant of arrest na manggagaling sa korte.
Matatandaang nagmatigas si Roque na humarap sa pagdinig ng Quad Committee kaugnay sa isyu ng POGO operations sa bansa matapos matuklasan na naging abogado ito ng isang kompanya ng POGO at umano’y pagkakanlong ng ilang Chinese sa kanyang bahay sa Tuba, Benguet.
Bigla namang lumitaw si Roque sa The Netherlands matapos na maaresto si dating Pangulong Rodrigo Duterte at dalhin sa International Criminal Court (ICC).
- Latest