Hong Kong bibinyagan ng Phoenix
Converge, Terrafirma agawan sa buwenamano
MANILA, Philippines — Bibinyagan ng Phoenix ang guest team na Hong Kong Eastern sa main game ng inaabangang opener ng 2024 PBA Commissioner’s Cup ngayon sa PhilSports Arena sa Pasig.
Sisiklab ang sagupaan sa alas-7 ng gabi pagkatapos ng bakbakan sa pagitan ng mga bagong-bihis na Converge at Terrafirma sa alas-5 ng hapon.
Kagagaling lang ng Fuel Masters sa 1-9 na kartada sa Governors’ Cup kaya gigil na makaganti agad sa pangunguna ng pambatong import na si Donovan Smith kontra sa koponan mula sa East Asia Super League.
Hitik sa karanasan si Smith na naglaro na sa Spain, Romania, Georgia, Cyprus, Dominican Republic, Austria at Kosovo na nagwagi sa Balkan League.
Bagama’t masasandalan ang solidong local crew nina Jason Perkins, Kai Ballungay, Tyler Tio, Ricci Rivero at Ken Tuffin, inaasahang hindi magiging madali ang pakikipagtuos ng Fuel Masters sa all-star na Eastern.
Mangunguna sa Hong Kong ang dating PBA import na si Cameron Clark kasama ang mga pamilyar na cagers na sina Hayden Blankley, Kobey Lam at Glen Yang.
Bahagi sina Blankley, Lam at Yang ng Bay Area Dragons team na pumangalawa lang sa kampeon na Barangay Ginebra noong 2023 PBA Commissioner’s Cup matapos ang makasaysayang Game 7 na napanood ng 54,589 fans sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
- Latest