Mga lugar na sinalanta nina Kristine, Leon daraanan ni Marce
MANILA, Philippines — Sasalantain ng bagyong Marce ang mga lugar na naapektuhan ng nagdaang bagyong Kristine at Leon, batay sa pagtaya ng PAGASA.
Alas-11 ng umaga kahapon, ang sentro ng bagyong Marce ay namataan sa layong 775 kilometro silangan ng Borongan City, Eastern Samar taglay ang lakas ng hangin na umaabot sa 75 kph at pagbugso na aabot sa 90 kph.
“Sa track ni Marce, halos ‘yung daraanan niyang area ay nasa gitna ni Leon at ni Kristine kaya ‘yung mga areas na naapektuhan nung previous na dalawang bagyo ay kailangan natin maghanda,” sabi ni weather forecaster Veronica Torres.
Ngayong Martes, November 5, si Marce ay lalakas at magiging isang severe tropical storm.
Posible umanong maabot ni Marce ang typhoon category ngayong Martes ng gabi o sa Miyerkules ng umaga ng November 6 oras na lumapit sa Philippine landmass.
Inaasahang mararamdaman ang lakas ni Marce sa Extreme Northern Luzon, Northern Luzon at Central Luzon at inaasahan ding mag-landfall sa bisinidad ng Babuyan Islands o sa Mainland Northern Cagayan sa Huwebes ng gabi o Biyernes ng umaga, November 8.
Si Marce at northeasterly wind flow ay magdudulot naman ng pag-ulan sa Extreme Northern Luzon.
Samantala, umalerto na ang Office of Civil Defense (OCD) sa nakaambang pananalasa ni Marce na pumasok na kahapon sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ayon kay National Disaster Risk and Reduction Management (NDRRMC) Chairperson at Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., nasa heightened alert na ang mga opisyal ng DND,OCD at iba pang mga ahensiya sa ilalim ng NDRRMC na mahigpit na minomonitor ang sitwasyon para sa pagpapatupad ng mga hakbangin para tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamayan sa mga komunidad.
- Latest