Kotse hulog sa parking ng hotel; driver, patay

MANILA, Philippines — Patay ang driver ng isang kulay puting sedan nang mahulog matapos mag-overshoot mula sa ika-apat na palapag ng multi-level parking ng isang hotel (Citadines), sa Makati City, Huwebes ng umaga.
Nagkayupi-yupi at halos madurog ang Toyota Vios, kung saan naipit sa loob ang driver na si Edgardo Villanueva Goze, 55, residente ng South Daang Hari, Taguig City na idineklarang dead-on- the spot.
Sa inisyal na ulat, naganap ang insidente alas- 11:46 ng umaga kahapon sa Jimenez St., Brgy. San Lorenzo, Makati.
Sa imbestigasyon, pababa sa driveway mula sa ika-5 palapag patungo sa ika-4 na palapag ng parking area ang biktima nang bumangga sa pader ng gusali ang sasakyan, at doon nawalan ng kontrol. Tinamaan ang bollard at nagtuluy-tuloy hanggang sa mahulog na mula sa ikaapat na palapag patungo sa labas ng gusali.
Ayon kay Makati City Police Chief PCol. Pedro Alagano Jr., unang nakarinig ng kalabog mula sa gusali hanggang sa lumusot palabas ng gusali ang kotse at nahulog. Mapalad at walang nadamay sa insidente.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya.
- Latest


















