Kampo ni Duterte pinababasura testimonya ng ex-Davao cop

MANILA, Philippines — Hiniling ng defense team ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ibasura ng Trial Chamber III ang testimonya ng isang dating pulis ng Davao City na nais ipasok bilang ebidensya ng mga taga-usig ng International Criminal Court (ICC) sa paglilitis.
Kinukuwestiyon ni Peter Haynes, abogado ni Duterte, ang pagtanggap sa naunang recorded testimony ni P-0002 na ayon sa depensa ay may “seryosong kakulangan.” Si P-0002 ay dati umanong miyembro ng Davao Death Squad.
Iginiit ni Haynes na sa ilalim ng mga tuntunin ng ICC, maaari lamang tanggapin ang naunang naitalang testimonya kung may patunay na hindi na kayang humarap at magbigay ng testimonya sa harap ng korte. Kung walang ganitong patunay, iginiit ng depensa na dapat personal na humarap si P-0002 upang magbigay ng testimonya sa korte (viva voce).
“Absent such proof, the prior recorded testimony cannot be admitted and the witness must be called to give his evidence viva voce,” sabi ni Haynes sa isang public redacted filing noong Nobyembre 18.
Ayon pa sa depensa, walang sapat na mga dokumentong sumusuporta sa aplikasyon para tanggapin ang ebidensiya ni P-0002. Hindi rin umano nagsumite ng sinumpaang salaysay ang isang hindi pinangalanang “sole source” na binanggit kaugnay ni P-0002 upang ipaliwanag ang mga pangyayari sa panig ng testigo.
Sinabi rin ni Haynes na walang natagpuan ang depensa na mahalagang ebidensiyang nagpapatibay sa mga pahayag ni P-0002 sa kabuuang 62,000 ebidensiyang isiniwalat ng mga taga-usig.
- Latest
















