EDITORYAL - Karagdagang pondo, hinihirit ng DepEd
KARAGDAGANG P8.18 bilyon ang hinihingi ng Department of Education (DepEd) para sa 2027 budget na gagamitin sa pag-eempleyo nang maraming security guards at makapaglagay ng metal detectors, CCTV at perimeter fences sa mga pampublikong eskuwelahan sa buong bansa.
Ang inihihirit na pondo ay lumutang kasunod ng tatlong deadly school shootings noong Hunyo kung saan may mga estudyanteng namatay. Ang mga suspect sa shooting ay mga estudyante rin ng eskuwelahan.
May malinaw na dahilan kung bakit kailangan ng dagdag na pondo. Sa pinakahuling audit ng DepEd, 39 percent lamang ng mga paaralan ang may security guards, habang 48 percent lamang ang may active CCTV cameras.
Pero hindi sapat na maglagay lamang ng camera sa pader o magtalaga ng isang guard sa gate at sabihing ligtas na ang paaralan.
Mismong mga mambabatas ay nagtatanong kung ano ba talaga ang tamang bilang ng security personnel sa bawat school. Sa ngayon, iminungkahi ng DepEd ang isang guard para sa mga maliliit na paaralan, dalawa sa malaki at apat sa pinakamalalaki. Ngunit wala pa umanong pag-aaral na nagtatakda kung ito nga ang ideyal na bilang.
Mahalaga ito dahil magkakaiba ang pangangailangan ng bawat campus. May paaralang kakaunti lamang ang estudyante at entry points; mayroon namang malawak ang bakuran, maraming gate at libu-libong estudyante. Kaya dapat nakabatay sa aktuwal na panganib at pangangailangan ang security plan. At kahit may kagamitan, kailangan pa rin itong gamitin nang tama.
Sa San Jose National High School sa Tacloban, may dalawang security guards sa gate nang mangyari ang shooting. Random lamang ang bag inspection dahil magkakaroon umano ng mahabang pila kung lahat ay itsi-check. May CCTV din, pero may blind spots.
Sinabi rin sa Senate hearing na ginagamit lamang ang ilang camera para sa recording at walang nakatutok na personnel na regular na nagmo-monitor ng live feed.
Kaya bago gumastos ng bilyun-bilyong piso, dapat malinaw ang standards: aling paaralan ang mas mataas ang risk, ilang guard ang kailangan, saan ilalagay ang cameras, sino ang magmo-monitor, at ano ang gagawin kapag may nakitang banta.
Ang school safety ay hindi nasusukat sa rami ng CCTV o mga guwardiya. Ang tunay na proteksiyon ay nagmumula sa maayos na sistema, sapat na tao at ibayong paghahanda.
- Latest















