Police major pinasok, pinatay sa boarding house

MANILA, Philippines — Patay ang isang police major na nagsisilbing hepe ng pulisya at popular sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) dahil sa kanyang mga extensibong law-enforcement activities, matapos siyang pasukin sa kanyang tirahan at pagbabarilin ng dalawang lalaki sa Kidapawan City nitong Lunes.
Kinilala ang nasawing biktima na si Police Major Razul Guiambangan Pandulo, 35-anyos, hepe ng Bubong Municipal Police Station (MPS) sa bayan ng Bubong sa Lanao del Sur at miyembro ng Philippine National Police Academy (PNPA) Tagapamagitan Class 2013. Siya ay dating nakatalaga sa Cotabato City Police Office at sa mga bayan ng Datu Piang, Datu Montawal at Pagalungan, Maguindanao del Sur sa BARMM.
Sa ulat ni P/Col. Ramel Hojilla, director ng Cotabato Provincial Police Office, nangyari ang insidente sa loob ng boarding house ng biktima sa Bolong Subdivision, Kidapawan City, alas-4:30 ng hapon nitong Nobyembre 23.
Ayon sa imbestigasyon, kasalukuyang nagpapahinga si Pandulo nang pumasok ang dalawang lalaki na armado ng mga pistola sa boarding house nito at halinhinang pinagbabaril bago tumakas.
Sinabi ni Col. Hojilla, na idineklarang dead-on-arrival sa isang ospital sa Kidapawan City si Pandulo dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Nitong Martes ng umaga, inihatid na rin sa kanyang huling hantungan si Maj. Pandulo sa kanilang lugar sa Brgy. Bulit, Datu Montawal, Maguindanao del Sur alinsunod sa tradisyon ng mga Muslim na mailibing ito sa loob ng 24 oras.
Kinondena naman ni Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) Regional Director P/Brig. Gen. Cristopher Abecia ang pamamaslang sa nasabing police major.
“Such a reprehensible attack against a police officer is an affront to the rule of law and will not be taken lightly,” saad ni Abecia na ipinag-utos na ang manhunt operation laban sa mga salarin.
Sa tala, aabot ng 19 wanted persons na nagtatago sa Maguindanao del Sur at Maguindanao del Norte, dahil sa kinakaharap na mga high-profile criminal cases sa iba’t ibang korte sa Central Mindanao, ang natunton ni Maj. Pandulo at ng kanyang mga tauhan sa mga serye ng law-enforcement operations sa naturang dalawang probinsya.
- Latest


















