Lisensiya ng driver ng cement tanker, sinuspinde ng LTO

Nakapatay sa 3 sakay ng motorsiklo
MANILA, Philippines — Sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) nang 90 araw ang lisensiya ng driver ng cement tanker na sangkot sa aksidenteng ikinasawi ng tatlong sakay ng motorsiklo sa Doña Remedios Trinidad, Bulacan, noong Nobyembre 16.
Naganap ang aksidente dakong alas-12 ng madaling-araw sa M. Valte Road, Brgy. Camachile, kung saan nakaladkad ng cement tanker ang motorsiklo na sinasakyan ng tatlong biktima. Naaresto ang driver sa Brgy. Akle, San Ildefonso, Bulacan, matapos ang pagtugis ng mga awtoridad.
Sa beripikasyon ng LTO, napag-alamang noong 2024 pa huling nairehistro ang naturang trak. Pinadalhan na rin ng Show Cause Order ang driver at ang rehistradong may-ari o operator nito upang magpaliwanag sa posibleng pananagutan sa insidente.
Inatasan ang driver na humarap sa Intelligence and Investigation Division ng LTO sa Disyembre 1 upang magsumite ng sinumpaang salaysay at mga dokumentong susuporta sa kanyang panig. Pinagpapaliwanag siya sa posibleng kasong reckless driving at pagiging improper person to operate a motor vehicle sa ilalim ng Republic Act 4136.
- Latest



















