2 holdaper patay sa engkuwentro sa Taguig
Pulis hinablutan ng kwintas
MANILA, Philippines — Patay ang dalawang hinihinalang holdaper matapos makipagbarilan sa mga pulis na rumesponde sa panghoholdap sa isang undercover police officer sa Brgy. Ususan, Taguig City, nitong Huwebes, Nobyembre 12. Sugatan naman ang isang intelligence operative matapos tamaan ng bala sa balikat.
Kinilala naman ng kaanak ang isa sa mga nasawi na si alyas “Flor,” 47, na umano’y lider ng isang carnapping at robbery group na iniuugnay sa 10 kaso ng carnapping. Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng isa pang suspek.
Batay sa imbestigasyon, dakong alas-12:40 ng tanghali nang tutukan ng mga suspek ng baril ang pulis na nakasibilyan habang nagsasagawa ng surveillance sa kanto ng Pedro Cayetano Boulevard at Bagong Calzada. Tinangay ng mga suspek ang kwintas ng pulis bago tumakas sakay ng motorsiklo.
Agad na humingi ng tulong ang biktima sa pamamagitan ng 911, dahilan upang rumesponde ang mga tauhan ng Taguig City Police Station. Gayunman, pinaputukan umano ng mga suspek ang mga pulis na nagresulta sa pagkasugat ng isang intelligence operative na isinugod sa The Medical City Taguig.
Narekober sa lugar ang dalawang baril, motorsiklong ginamit ng mga suspek at ang kwintas ng pulis. Personal ding nagtungo sa crime scene sina NCRPO chief PBGen. Christopher Abrahano at SPD director PBGen. Rodel Pastor upang alamin ang detalye ng insidente.
Pinuri ni Pastor ang mabilis na pagresponde ng kanyang mga tauhan at tiniyak na magpapatuloy ang operasyon laban sa mga grupong sangkot sa kriminalidad.
- Latest


















