Kelot na pupunta sa sementeryo, dedo sa saksak
MANILA, Philippines — Hindi na nagawang makapagtirik ng kandila sa puntod ng ama ang isang lalaki matapos saksakin habang naglalakad patungo sa sementeryo, sa Barangay San Isidro, Paranaque City, Linggo ng gabi.
Ang 30-anyos na biktima, residente ng lungsod ay naisugod pa sa pagamutan, subalit binawian ng buhay dahil sa tama ng saksak sa dibdib.
Sa ulat, alas-6:30 ng gabi ng Nobyembre 1 nang maganap ang krimen sa bahagi ng Dr. A. Santos Avenue, Brgy. San Isidro.
Nabatid na inutusan ang biktima ng kanyang ina na magtirik ng kandila sa puntod ng ama at habang naglalakad ay biglang inakbayan ng hindi pa tukoy na salarin at sinaksak sa dibdib.
Sa impormasyon na nakalap sa barangay na posibleng may kinalaman sa selos dahil sa niligawan umano ng biktima ang babae na dating nobya ng suspek. Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa kaso.
- Latest




















