Kamalasan tinapos ng FEU Tamaraws
MANILA, Philippines — Tinapos ng Far Eastern University ang dumapong kamalasan sa kanila matapos gapiin ang Adamson University, 73-66, sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Sinuwag ng Tamaraws ang 5-4 karta at sumiksik sa three-way tie sa No. 3 kasama ang Ateneo Blue Eagles at defending champions La Salle Green Archers.
Tumikada si Lawrence “Cabs” Cabonilas ng 11 points at anim na rebounds para sa FEU na tinuldukan ang three-game losing slump.
Matapos ang 11-11 pagkakatabla sa first quarter ay kumawala ang Tamaraws sa second period para hawakan ang 11-point halftime lead, 33-22, sa Soaring Falcons.
Tuluyan nang nakalayo ang FEU sa third canto, 58-44, papasok ng payoff period.
Naibaba ng Adamson ang hinahabol sa 60-65.
Nagbaon si Pasaol ng pandiin na tres para sa 60-68 bentahe ng Tamaraws sa huling 1:51 minuto.
Laglag ang Soaring Falcons sa pang-limang talo sa siyam na laro.
Sa unang laro, nagtuwang sina Jared Bahay at Kieffer Alas sa dulo ng final canto para akayin ang Ateneo sa 69-65 panalo laban sa National University.
Winalis ng Blue Eagles ang Bulldogs sa elimination round matapos ang 87-76 panalo sa first round.
Nagsalpak si Bahay ng magkasunod na triple para ibigay sa Ateneo ang 65-62 abante sa huling 1:19 minuto ng laro mula sa 59-62 paghahabol sa NU.
Ang panelyong tres si Alas ang lalo pang naglayo sa Blue Eagles sa 68-62 sa nalalabing 35.8 segundo para kumpletuhin ang pagwalis sa Bulldogs ngayong season.
Tumapos si Bahay na may 16 points.
- Latest
















