Bomb threats sa UST, pasok kinansela

MANILA, Philippines — Sinuspinde ng pamunuan ng University of Sto. Tomas (UST) ang face-to-face classes at trabaho sa opisina at inilipat muna sa online na klase at remote work kasunod ng bomb threats na iniwan sa dalawang comfort room, nitong Sabado, Oktubre 24.
Sa ulat ng Manila Police District-Police Station 14, dakong alas-4:30 ng hapon ng Biyernes, Okt. 23, nang madiskubre ng isang babaeng estudyante sa ibabaw ng toilet tank ang isang liham na may pagbabanta.
Ipinaalam ito sa housekeeping personnel na si Annalou Sevilla na nagreport sa security personnel na nag-ulat naman sa pulisya.
Sa imbestigasyon, nasa hallway si Sevilla nang lapitan ng babaing estudyante at itinuro ang liham sa ibabaw ng toilet tank sa isang cubicle sa female CR, sa ikaapat na palapag ng Medicine building.
Pinuntahan din ang iba pang CR sa Medicine building at nakita ang isa pang katulad na liham sa female CR ng faculty room sa ikalawang palapag.
Ang unibersidad na matatagpuan sa España Boulevard, sa Maynila, ay sinuyod sa pangunguna ni P/Lt. Bienvenido Cinco Jr. at apat na tauhan ng Explosive Ordnance Disposal and Canine Unit.
Agad namang inatasan ng College Secretary of the College of Rehabilitation Sciences (CRS) ang security personnel na abisuhan ang mga estudyante at school staff na lisanin ang campus.
Dakong alas-7:55 ng gabi nang ideklarang walang bomba sa UST campus.
Agad na ring nagpalabas ng advisory ang paaralan na suspendido ang pasok ng mag-aaral at school staff.
- Latest















