MANILA, Philippines — Pansamantalang nakalaya si Lakambini “Lakam” Chiu, 45, kapatid ng aktres na si Kim Chiu matapos na magpiyansa ng P5.6 milyon kasunod ng kanyang arraignment nitong Huwebes sa Quezon City kaugnay ng kasong qualified theft.
Ayon kay Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) spokesperson JailSupt. Jayrex Bustinera, bandang alas-5:30 ng hapon nang maglagak ng surety bond si Lakam hanggang sa tuluyan nang makalabas sa Quezon City Jail Female Dormitory.
Naaresto si Lakam nitong Linggo ng hapon sa isang parking area sa Saint Francis Square sa Brgy. Wack Wack, Mandaluyong City, sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 24 kaugnay ng 124 counts ng qualified theft.
Unang itinakda sa P5.838 milyon piyansa hanggang sa ibaba ng korte ang piyansa sa P5.6 milyon. Nitong Huwebes, naghain si Lakam ng plea na not guilty sa mga kasong isinampa laban sa kanya.
Nagsampa si Kim ng qualified theft complaint laban sa kanyang nakatatandang kapatid noong Disyembre 2025 matapos umano niyang matuklasan ang mga umano’y seryosong discrepancy sa pananalapi ng kanyang negosyo.
Ayon sa abogado ni Kim na si Atty. Margrein Archernar M. Gregana, sinabi nilang itutuloy nila ang mga kaso laban kay Lakam at hihintayin ang pag-usad nito sa korte. Hindi muna nagbigay ng karagdagang komento ang kampo dahil sa sub judice rule.
Nauna nang sinabi ng aktres na hindi naging madali ang kanyang desisyon na magsampa ng kaso, ngunit napilitan umano siyang kumilos matapos matuklasan ang malaking halagang konektado sa kanyang business assets na nawawala.