MANILA, Philippines — Aabot sa 157 na indibiduwal ang binitbit ng Quezon City Police District (QCPD) sa isang linggong law enforcement operations mula Setyembre 13 hanggang 19 laban sa illegal drugs, wanted persons, illegal gambling at mga paglabag sa firearms law.
Sa 32 anti-illegal drug operations, 39 suspek ang naaresto at nakumpiskahan ng mga ilegal na droga na nagkakahalaga ng P455,716 habang 65 wanted persons ang nadakip sa manhunt operations, kabilang ang 24 Most Wanted Persons at 41 iba pang wanted individuals.
Pitong katao naman ang naaresto sa pitong anti-illegal firearms operations, habang pitong baril ang nakumpiska. Sa 29 operasyon kontra illegal gambling, 46 katao ang naaresto at nasamsam ang P16,730 na bet money.
Kabilang sa mga naaresto sina alyas “Ery”, na wanted sa kasong theft sa Cubao Police Station 7 at umano’y nakapagtago sa loob ng 13 taon, at alyas “Jay”, na wanted sa kasong rape sa Galas Police Station 11 matapos umanong umiwas sa awtoridad nang apat na taon.
Ayon kay QCPD District Director PBGen Christopher Olazo, nagpapatuloy ang operasyon ng pulisya upang mapanatili ang seguridad sa lungsod. Ang lahat ng naaresto ay isinailalim sa kaukulang dokumentasyon at kinasuhan sa Quezon City Prosecutor’s Office dahil sa paglabag sa mga umiiral na batas, kabilang ang Republic Act 9165, RA 10591 at Presidential Decree 1602.