Motorcycle group hinamon LTFRB na aksiyunan motor taxi issues
MANILA, Philippines — Hinamon ng Motorcycle Rights Organization (MRO) ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na linawin ang naging aksyon nito sa mga matagal nang isyu sa regulasyon ng motorcycle taxi industry, partikular sa rider cap, unauthorized onboarding at accreditation requirements.
Sa liham na may petsang Setyembre 6, hiniling ni MRO Chairman Jobert “Yob” Bolaños ang status ng mga imbestigasyon at regulatory action sa mga iniulat na paglabag na ilang taon nang inihaharap sa mga pagdinig at konsultasyon ng pamahalaan.
Hiniling din ng MRO na ilabas ng LTFRB ang resulta ng mga imbestigasyon, kabilang ang mga napatunayang paglabag at mga parusang naipatupad. Nais din ng grupo na maitugma ang aktuwal na bilang ng mga rider sa bilang na awtorisadong ma-onboard.
Iginiit ni Bolaños na dapat pantay ang pagpapatupad ng mga patakaran sa lahat ng motorcycle taxi operator, anuman ang laki o impluwensiya. Hiniling din ng MRO na protektahan ang mga rider na maaaring na-onboard lampas sa pinapayagang bilang o labag sa regulasyon.
Ayon sa grupo, kailangan nang magkaroon ng malinaw na resulta at pananagutan sa mga isyung matagal nang inirereklamo, sa halip na panibagong pangako ng aksyon mula sa LTFRB.
- Latest























