PUJ driver tumotoma habang bumibiyahe

MANILA, Philippines — Hindi na makakabiyahe ang isang jeepney driver kasunod ng pagbawi ng Land Transportation Office (LTO) sa kanyang lisensya nang makuhanan ng video na umiinom ng alak habang nagmamaneho.
Nabatid na inatasan ng LTO Intelligence and Investigation Division (IID) ng Central Office ang driver na isuko ang kanyang lisensya kasabay ng kautusan ni LTO Chief Markus V. Lacanilao ng pagpapalabas ng Show Cause Order laban sa driver at rehistradong may-ari ng jeepney.
Sa paunang beripikasyon ng LTO, tatlo nang paglabag sa land transportation laws ang naitala laban sa driver bago ang insidente—dalawang disregarding traffic signs at isang obstruction of traffic. Itinuturing ng ahensiya na ikaapat na paglabag ang bagong insidente at ipatutupad ang revocation ng kanyang lisensya alinsunod sa Section 27(b) ng Republic Act No. 4136.
Lumitaw rin umano sa imbestigasyon na umamin ang driver sa paggamit ng ilegal na droga. Isasama ito sa mga usaping susuriin ng LTO bilang karagdagang batayan para sa kaukulang aksyon laban sa kanyang lisensya.
Inatasan ang driver at rehistradong may-ari na dumalo sa pagdinig at magsumite ng sinumpaang paliwanag kaugnay ng pagmamaneho umano sa ilalim ng impluwensya ng alak, paggamit ng ilegal na droga at pagiging improper person to operate a motor vehicle. Naka-alerto na rin ang jeepney at nakatakdang i-impound ng LTO habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
- Latest


















