EDITORYAL – Pagbawi sa salaysay
Sa panahon ngayon, hindi lang social media post, edited video, o troll account ang puwedeng magpakalat ng kasinungalingan.
Mas delikado kapag ang maling impormasyon ay nakapaloob na sa isang affidavit at binibigkas pa sa harap ng Senado.
Ito ang problemang muling lumitaw matapos bawiin ni Orly Guteza ang nauna niyang testimonya laban kay dating House Speaker Martin Romualdez.
Si Guteza ay dating aide ni dating Ako Bicol party-list representative Zaldy Co na nahaharap sa multimilyong kaso ng maanomalyang flood control projects sa Naujan, Oriental Mindoro. Bukod sa Naujan, marami pang anomalyang hinaharap ang dating mambabatas. Hindi pa naaaresto si Co hanggang sa kasalukuyan. Palaisipan kung bakit “madulas” si Co.
Matatandaan na ipinakita ni Co ang video ng mga maleta na pinaglagyan umano ng perang idiniliber ng aide na si Guteza sa Malacañang at Forbes Park. Si Guteza ay lumutang makaraang makipag-ugnayan kina Sen. Rodante Marcoleta at dating mambabatas Mike Defensor.
Sa kanyang bagong affidavit, sinabi ni Guteza na wala siyang personal na kaalaman sa umano’y cash deliveries at na-pressure umano siyang magsalita, kapalit ng pangakong pera at scholarship para sa kanyang mga anak.
Dito nagiging mahalaga ang pananagutan. May umiiral nang batas laban sa perjury.
Sinabi ni Sen. Ping Lacson na maaari ring managot ang mga taong nang-uudyok o pumipilit sa iba na magsinungaling sa ilalim ng panunumpa.
Para sa kanya, problema rin ang mahina nitong pagpapatupad.
Kung mapatutunayang may taong nagbabayad, nananakot, o nangangako ng pabor kapalit ng maling testimonya, hindi lang ang testigo ang dapat managot.
Mas mahalagang habulin ang mga taong gumagawa ng script at ginagawang sandata sa pulitika ang sinumpaang salaysay.
Dahil kapag ang affidavit ay nabibili, nawawala ang tiwala ng publiko hindi lamang sa testigo kundi pati sa Senado, Ombudsman, at mismong proseso ng paghahanap ng katotohanan.
Sa panahon ng disinformation, hindi sapat na marinig ang salitang “under oath.”
Ang tanong pa rin ay simple: nasaan ang mga katibayan?
- Latest
















