Hukay ng kapabayaan
ISANG lalaking bulag ang nahulog sa bukas na drainage sa may F.B Harrison St., Barangay 73 sa Pasay City. Isipin mo iyon. Taong wala nang kakayahang makita ang panganib, saka pa siya sinalubong ng isang hukay na dapat ay matagal nang nasigurong ligtas ng mga may responsibilidad.
Ang tanong ng masa, ilang trahedya pa ba ang kailangang mangyari bago seryosohin ang kaligtasan ng publiko? Parang naging normal na sa atin ang tanawin ng mga proyektong iniwang nakatiwangwang. May hukay na walang takip, may kanal na walang harang, may kalsadang kalahati lang ang gawa, at may babalang halos hindi na mabasa. Habang ang mga tao ang araw-araw na nakikipagsapalaran, ang mga may pananagutan ay tila kampante na parang walang mangyayaring masama.
Kapag walang naaaksidente, tahimik ang lahat. Pero kapag may nadisgrasya na, saka magkakaroon ng aksyon. Doon lang kikilos. Doon lang magmamadali. Doon lang may mga pangakong “aayusin na.”
Hindi ito simpleng aksidente. Isa itong paalala na ang kapabayaan sa mga pampublikong proyekto ay maaaring humantong sa kapahamakan ng inosenteng mamamayan.
Kung totoo ngang ang lugar ay bahagi ng isang patuloy na proyekto ng drainage, hindi ba dapat doble ang pag-iingat? Hindi ba dapat malinaw ang babala, matibay ang harang, at ligtas ang daanan lalo na para sa mga pedestrian, matatanda, bata, at mga persons with disabilities?
Dito pumapasok ang pananagutan ng bawat isa. Ang kontraktor ay may obligasyong tiyaking ligtas ang lugar habang ginagawa ang proyekto. Ang barangay naman ang pinakamalapit sa komunidad at inaasahang nakabantay sa mga panganib na maaaring makaapekto sa mga residente at dumaraan. Ang city hall, bilang namamahala sa lungsod, ay may tungkuling tiyaking maayos ang koordinasyon, inspeksyon, at pagpapatupad ng mga pamantayan sa kaligtasan.
Hindi ito tungkol sa pagsisihan kung sino ang unang nagkulang. Ang mahalaga ay may malinaw na pananagutan upang hindi na ito maulit.
Tama rin ang naging direktiba ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sagutin ng sangkot na kontraktor ang gastusing medikal ng biktima.
Ngunit maging tapat tayo. Ang tulong ay mahalaga, pero hindi nito mabubura ang nangyari. Hindi kayang palitan ng cash assistance ang takot, sakit, at trauma na dinanas ng isang taong ang tanging hangad lang ay makatawid at makauwi nang ligtas.
Hindi dapat umabot sa puntong may masasaktan muna bago seryosohin ang kaligtasan. Panahon nang tapusin ang kultura ng “bahala na.” Hindi dapat palampasin ang mga proyektong iniiwang bukas, mapanganib, at walang sapat na proteksyon sa publiko. Ang bawat bukas na hukay ay parang bitag na naghihintay lamang ng susunod na biktima.
Dahil sa huli, ang tunay na sukatan ng mahusay na pamahalaan at responsableng kontratista ay hindi kung gaano karaming proyekto ang kanilang naumpisahan, kundi kung gaano karaming buhay ang kanilang napangalagaan.
Disclaimer: Ang artikulong ito ay isang opinyon batay sa mga impormasyong naiulat sa publiko hinggil sa insidente. Hindi ito naglalayong husgahan o akusahang may pananagutang kriminal o sibil ang sinumang indibidwal o institusyon. Ang anumang pananagutan ay nakasalalay sa resulta ng opisyal na imbestigasyon ng mga kinauukulang ahensiya.
- Latest















