3rd suspect sa pro-Marcos vlogger sumuko
MANILA, Philippines — Boluntaryong sumuko sa mga awtoridad ang ikatlong suspek sa pagpaslang sa vlogger na si Alicia “Mima Alicia” Lipata, habang nananatiling “at large” ang tatlo pang suspek, na kinabibilangan ng dalawang “utak” sa krimen.
Ito naman ang sinabi ni Northern Police District (NPD) Director PBGen. Benliner Capili kung saan si “A.F.” na nagsilbing middleman ay sumuko noong Hulyo 24 sa Mabalacat City Police Station sa Pampang.
Nauna nang naaresto sa Mabalacat City noong Hulyo 23 ang dalawa pang suspek na umano’y gunman at driver.
Samantala, nananatiling pinaghahanap ang tatlo pang suspek, kabilang ang umano’y mga mastermind na sina “Boss A” at “Jane Doe”, gayundin ang isa pang hinihinalang middleman na si “C.B.”
Sinampahan na ng kasong murder at frustrated murder ang anim na suspek. Nahaharap din ang umano’y gunman at driver sa hiwalay na mga kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at sa batas laban sa ilegal na pagkuha o pagmamay-ari ng mga pampasabog.
Si Lipata ay pinagbabaril hanggang sa mapatay sa labas ng kanyang bahay sa Caloocan City noong Hulyo 17 habang sugatan naman sa insidente ang kanyang live-in partner.
- Latest


















