‘Utak’ sa pamamaril sa guro sa Bulacan, sumuko

CAMP OLIVAS, City of San Fernando, Philippines — Dahil sa masusing imbestigasyon na isinagawa ng Sta. Maria Police, kusang loob na sumuko ang itinuturong utak sa pamamaril sa isang guro at dating Barangay Secretary ng Barangay Poblacion, Sta. Maria, Bulacan.
Dakong alas-5:30 ng hapon noong Sabado, Agosto 1, nagtungo sa Sta. Maria Municipal Police Station ang nasabing suspek na si alyas “Rigor” at kusang sumuko matapos umano niyang malaman na siya ang itinuro mismo ng biktimang si Stephen “Gelo” Pagmanua Enriquez, 38, na isa ring dating Barangay Secretary na bumaril sa kanya bago tuluyang binawian ng buhay.
Habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang biktima, nakapagbigay umano siya ng dying declaration, kung saan itinuro nito ang taong pinaniniwalaan niyang responsable sa pamamaril sa kanya.
Dahil dito, agad na pinaigting ng pulisya ang case build-up, pangangalap ng ebidensya, at dokumentasyon na naging daan sa kusang pagsuko ng nasabing suspek.
Pinuri naman ni PBrig. Gen. Jess B. Mendez, regional director ng Police Regional Office 3 (PRO3), ang mga rumespondeng pulis at imbestigador dahil sa kanilang propesyonalismo at dedikasyon sa pagsisiyasat ng kaso sa ikareresolba nito.
- Latest






















