Bebot timbog sa P3.7 milyong Crypto Estafa at Extortion Scheme
MANILA, Philippines — Arestado ang isang 40-anyos na babae matapos umanong tangayin ang cryptocurrency na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P3.7 milyon at tangkain pang kikilan ang biktima ng kabuuang P400,000 sa Roxas Boulevard, Pasay City.
Ayon sa Pasay City Police Station, mismong ang biktima ang nagsagawa ng citizen’s arrest at dinala ang suspek sa Police Sub-Station 1 dakong alas-11:35 ng gabi noong Hulyo 28. Nagsimula ang insidente noong Hulyo 22 nang magsagawa ang dalawa ng transaksyon para sa $60,000 na nagkakahalaga ng tinatayang P3.7 milyon. Matapos mailipat ng biktima ang cryptocurrency sa digital wallet ng suspek, tumanggi umano itong magbayad at iginiit na hindi natanggap ang pondo.
Gayunman, ipinakita ng beripikasyon mula sa peer-to-peer transaction application, wallet provider, at blockchain tracking na matagumpay na naipasok ang $60,000 sa wallet ng suspek bago ito inilipat sa ibang digital wallet. Sa halip na ibalik ang halaga, umano’y dalawang beses pang humingi ang suspek ng tig-P200,000 kapalit ng sinasabing “recovery token” upang ma-unlock ang pondo.
Nang muling humingi ng pera ang suspek noong Hulyo 28, isinagawa na ang operasyon na nauwi sa kanyang pagkakaaresto. Inilipat na ang kaso sa Investigation and Detective Management Section ng Pasay City Police Station para sa masusing imbestigasyon at pagsasampa ng kaukulang reklamo sa Office of the City Prosecutor ng Pasay City.
- Latest



















