Susi ng Ford Mustang buking sa family driver
MANILA, Philippines — Nabuking ang isang 50-anyos na family driver matapos awtomatikong magpakita ng senyales ang sasakyan na malapit lang ang kinaroroonan ng remote key ng isang Ford Mustang na may dalawang buwan nang nawawala, nitong Linggo ng gabi.
Sa ulat, isang citizen arrest ang isinagawa sa suspek na si alyas “Napoleon,” residente ng Valenzuela City, nitong Hulyo 19, alas-8:30 ng gabi, bago nai-turn over sa rumespondeng mga tauhan ng Makati City Police Station.
Nadiskubre lang ang remote key matapos iparada ng kaanak ng doktor na amo ng suspek, ang Mustang, na ayaw mag-lock. Pinagana ng amo ang automated proximity sensors, kaya natukoy na nasa malapit lang ang nawawalang remote key.
Pinagdudahan ang suspek kaya ipinalapit ang motorsiklo nito sa Mustang, at nagulat na biglang umilaw ang headlights ng Mustang, na indikasyon na nasa motorsiklo ang susi na matagal nang hinahanap.
- Latest















