Eala kakasa sa Cincinnati Open

MANILA, Philippines — Nadagdagan pa ang mga lalahukang torneo ni Alex Eala sa pagsisimula ng hard court season.
Sasabak din ang 21-anyos Pinay netter sa Cincinnati Open na magsisimula naman sa Agosto 8 sa Ohio, United States.
Ang Cincinnati Open ay isang WTA 1000 event na lalahukan ng matitikas na tennis players na nasa Top 10.
Nangunguna sa listahan sina Aryna Sabalenka, Elena Rybakina, Iga Swiatek, Coco Gauff, Mirra Andreeva, Linda Noskova, Karolina Muchova, Naomi Osaka at Jessica Pegula,
Kasama rin sina Zeynep Sonmez, Iva Jovic, Maya Joint at Leylah Fernandez.
Bago sumalang sa Cincinnati Open, masisilayan muna sa aksyon si Eala sa 500 Mubala DC Open na aarangkada sa Hulyo 27 sa Washington DC.
Lalahok din ito sa 1000 Canadian Open sa Toronto, Canada sa Agosto 1.
Ang mga torneo ay bahagi ng preparasyon nito para sa US Open na magsisimula naman sa Setyembre sa New York.
Inaasahang muling tatabo si Eala sa mga torneong lalahukan nito lalo pa’t kabilang na ito sa mga seeded players.
Gayunpaman, maingat si Eala sa kanyang mga kinikita.
“My first big investment in general, not just with my earnings from Wimbledon, with my earnings in general, I invest in my future. So I save a lot of money,” ani Eala.
Sa nakalipas na Wimbledon Championships, kumita si Eala ng mahigit P24 milyon sa pagpasok nito sa fourth round ng singles event.
Ngunit posibleng may bawas pa ito mula sa tax na ipinapataw ng mga organizers.
“I like to be cautious with my money. I’m still so young. So I am so lucky and blessed to be under the guidance of my parents to learn to manage that well,” ani Eala.
Kasalukuyang nasa Manila si Eala para sa ilang serye ng meet and greet bago tumulak sa Amerika para simulan ang training camp nito.
- Latest


















