Eala pakay ang ginto sa Asiad

MANILA, Philippines — Masisilayan sa aksyon si Pinay netter Alex Eala sa 2026 Asian Games na papalo sa Setyembre sa Nagoya, Japan.
Ayon kay Eala, bahagi ng kanyang plano ang makapaglarong muli sa Asian Games.
“Asian Games is in my plans,” ani Eala.
At sa kanyang pagbabalik sa Asian Games, walang ibang nasa isip si Eala kundi ang makuha ang gintong medalya.
Tinanong ito kung target ba nitong makuha ang ginto, agad itong sinagot ni Eala.
“You think I’m going for first round? Am I going to. Yes,” ani Eala.
Nasa Maynila ngayon si Eala para sa ilang serye ng meet and greet matapos ang kanyang matagumpay na kampanya sa Wimbledon Championships.
Nakaabot si Eala sa fourth round ng Wimbledon matapos talunin sina Renata Zarazua ng Mexico sa first round, Maya Joint ng Australia sa second round at 2025 champion Iga Swiatek ng Poland sa third round.
Naputol ang ratsada ni Eala nang yumuko ito kay Jasmine Paolini ng Italy sa fourth round.
Unang nasilayan si Eala sa Asian Games noong 2023 sa Hangzhou, China kung saan nakasiguro ito ng tansong medalya.
Nasa 18-anyos pa lamang ito noon.
Ngayong 21-anyos na ito, mas malalim na ang karanasan nito kaya’t hindi malayong maabot ni Eala ang inaasam na ginto.
Ilan lamang sa magiging tinik ni Eala sina Elena Rybakina ng Kazakhstan at Naomi Osaka ng Japan. Ngunit wala pang kumpirmasyon kung maglalaro ang dalawang Grand Slam champions sa Asian Games.
“It’s always an honor. I think it’s different when you play in the Southeast Asian Games or in the Asian Games or in the Olympics. I think it’s different,” ani Eala.
Matatandaang nakasungkit si Eala ng gintong medalya sa 2025 Southeast Asian Games sa Bangkok, Thailand.
- Latest

















