Rally ng INC hindi threat - Malacañang

MANILA, Philippines — Wala umanong nakikitang banta ang Palasyo ng Malacañang sa isinagawang surpresang rally ng mga miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) sa EDSA People Power Monument kahapon.
Ito ang sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro, na walang nakikitang threat ang pangulo dahil alam niya na ang kanyang ginagawa ay para sa taumbayan.
Anya, iginiit ni Pangulong Marcos na kung mayroon lang na mga interes o interes ng ibang grupo ng ilang tao ay hindi dapat maging hadlang sa pagpapatupad ng pangulo at ng administrasyon ng batas.
Pero, kailangan lang magpatupad ng mahigpit na seguridad sa bisinidad ng Malacañang bilang paghahanda sa anumang maaring mangyari at proteksyunan ang mga taong nasa loob nito.
Nilinaw naman ni Castro na madaling araw pa lamang ng Martes ay nabigyan na agad ang pangulo ng impormasyon tungkol sa “surprise” rally.
Nirerespeto naman aniya ni Pangulong Marcos ang karapatan ng bawat tao, ang freedom of expression, ang freedom of assembly, subalit hindi kinikilala ang mga pang- aabuso na may kaakibat nito.
Ang pang-aabuso aniya na maaring makaapekto sa ibang tao at karapatan din ng lahat na galangin ang karapatan ng bawat isa.
Ipinag-utos din ng Pangulong Marcos sa mga otoridad ang maximum tolerance sa nasabing rally.
Giit ni Castro, nagtataka naman aniya si Pangulong Marcos dahil kung masasampahan ng kaso o nasasangkot sa isang kaso si Senador Rodante Marcoleta na isang miyembro ng INC ay bakit kailangang maglunsad ng ganitong rally ang mga kapatiran.
Hindi rin aniya hawak ng pangulo kung magkaroon man ng kaso si Marcoleta kundi ang Ombudsman, kaya bakit si Marcos ang subject sa rally.
- Latest





















