LRTA: Operasyon ng LRT-2, paiikliin sa Hulyo 25
MANILA, Philippines — Inihayag ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na nakatakdang magpatupad ang LRT Line 2 (LRT-2) ng pinaikling operasyon sa Hulyo 25, 2026.
Sa abiso ng LRTA, nabatid na layunin nitong bigyang-daan ang agarang pagsasaayos at pagpapalit ng rigid frognose sa mainline track sa pagitan ng V. Mapa at J. Ruiz Stations para sa kaligtasan at mas maaasahang operasyon ng rail line.
Anang LRTA, alinsunod sa naturang shortened operation, ang huling biyahe ng tren mula Recto Station ay alas-8:00 ng gabi na lamang sa nasabing petsa habang alas-7:30 ng gabi naman ang huling biyahe na magmumula sa Antipolo Station.
“Para sa kaligtasan at mas maaasahang operasyon, magpapatupad ang Light Rail Transit Authority (LRTA) ng shortened operations sa Hulyo 25, 2026 sa LRT Line 2 upang bigyang-daan ang agarang pagsasaayos at pagpapalit ng rigid frognose sa mainline track sa pagitan ng V. Mapa at J. Ruiz Stations,” anunsiyo ng LRTA.
Nabatid na ang rigid frognose ay bahagi ng riles na nagsisiguro sa maayos na pagdaan ng tren kapag lumilipat ito sa ibang track.
Makikipagtulungan din sila sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Philippine Ports Authority (PPA), Philippine Coast Guard (PCG), at Philippine National Railways (PNR) upang makapaglaan ng karagdagang transportasyon.
- Latest

















