Worried na maging ‘caregiver’ ng bf ang ina
Dear Dr. Love,
Halos 15 years nang namatay ang tatay ko. Mula noon ay solo kaming pinalaki at pinag-aral ng nanay namin. Ang kuya ko ay 25 years old na at ako ay 23 years old.
Okey naman sa amin na mag-asawa si nanay kaso sobrang senior citizen na ang boyfriend niya. Ang feeling namin ay si nanay pa ang mag-aalaga sa kanyang matandang nobyo.
May pera naman ang biyudong boyfriend ni nanay, ayaw lang namin na maghirap pa si nanay.
Pareho kaming hindi boto ni kuya, pero nakikita namin na masaya si nanay, pero wala kaming magawa dahil balak nilang magsama na.
Ano po gagawin namin? Parehong wala pa kaming asawa ni kuya. Kaya feeling namin ay hindi na kailangan ni nanay na mag-asawa pa muli.
Yeoj
Dear Yoej,
Nauunawaan ko ang pangamba ninyo para sa inyong nanay. At hindi masama ‘yun, dahil ang pag-aalala ninyo ay dahil ayaw n’yo siyang mahirapan.
Pero hindi rin natin maisasantabi na hindi madali ang kalagayan ng isang biyuda. Alalahanin ninyo na may sariling pangangailangan din ang nanay ninyo at may karapatan siya na maging masaya at magkaroon ng karelasyon.
Kayo na rin ang nagsabi na sa kabila nang pagtutol ninyo ay nakikita ninyong masaya ang inyong nanay sa piling ng kanyang boyfriend. Bagay na kahit gaano ninyo kamahal ang inyong ina ay hindi ninyong magagawang ibigay sa kanya.
Gayunman, hidi naman din na ibig sabihin na sasarilihin n’yo na lang ang inyong kalooban tungkol sa balak na magsama ng inyong nanay at boyfriend niya.
Ang mabuting gawin ay magkaroon ng open communication. Pero tiyakin lang na napapanatili ang respeto, kahinahunan at walang panghuhusga na konbersasyon sa bawat panig.
Sabihin ninyo ang inyong mga alala-hanin sa nanay ninyo nang walang galit. Ipaliwanag n’yo na natatakot kayo na baka siya ang mag-alaga sa matandang boyfriend niya.
Banggitin n’yo na ang tanging concern n’yo lang ay ‘yung hindi siya mahirapan dahil hindi na rin naman siya bata.
Sa isang banda, subukan n’yo ring makilala nang mas mabuti ang boyfriend ng nanay ninyo.
Baka may mga bagay kayong hindi pa nakikita tulad ng suporta o pagmamahal na ibinibigay niya sa nanay ninyo.
Kahit hindi kayo boto, nasa nanay ninyo pa rin ang desisyon.
Ang pinakamaha-laga ay masaya siya at hindi napipilitan.
Ang papel ninyo bilang mga anak ay siguraduhin na hindi siya napapabayaan.
Dr. Love
- Latest

















