Rider buking sa granada, balisong at shabu
Sinita sa ‘no helmet’
MANILA, Philippines — Isang 35-anyos na motorcycle rider ang inaresto matapos makuhanan ng fragmentation grenade, balisong at iligal na droga nang sitahin dahil sa paglabag sa “no helmet” Biyernes ng gabi.
Sa ulat ng Pasay City Police Station, ang suspek na si alyas “Angel”, ay nakatakdang isailalim sa inquest proceedings sa Pasay City Prosecutor’s Office sa reklamong paglabag sa Section 11 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), RA 9516 (Illegal Possession of Explosives), at Batas Pambansa Bilang 6 (Illegal Possession of Deadly Weapons).
Dakong alas-10:50 ng gabi ng Hunyo June 19, 2026, nang sitahin ang suspek sa intersection ng 8th at 7th St. sa Villamor, Brgy. 183, Pasay City ng mga tauhan ng Sub-Station 9 sa Oplan Sita at sa pagdukot sa bulsa upang kunin ang lisensya ay nahulog ang itinatagong balisong at sa bulsa din nakita ang nasa 3.09 gramo ng shabu.
Dahil sa kakaibang ikinikilos ng suspek, pinabuksan ang compartment ng blue na Yamaha Aerox at natuklasan na may itinatago pang 5.02 gramo ng shabu, na sa kabuuang halaga ay P55,148.00.
Agad ding inisyuhan ng Uniform Ordinance Violation Receipt (UOVR) ang suspek dahil sa kawalan ng suot na helmet.
- Latest

















