Commission on Appointment umarangkada na, gagana pa?
BUSOG na busog na ang bansa natin sa sari-saring krisis na maaring magdulot ng mas matinding kahirapan sa hinaharap.
Ang kakulangan sa kooperasyon at matibay na liderato sa gobyerno natin ang bumabalot sa buong bansa para matugunan ang kakulangan sa hanapbuhay, edukasyon, negosyo at kalusugan na sandalan nang ating pambansang ekonomiya.
Nabulabog tayo sa isyu ng male-maletang pera na ninakaw sa kaban ng bayan sa pakikipag-kutsabahan ng mga pulitiko at pamunuan ng DPWH sa flood control projects na karamihan ay sa tarpaulins lang makikita. Ikulong na ang lahat ng authors para matapos na ang usapin!
Sa pagsanib ni Sen. Joel Villanueva sa liderato ni SP Win Gatchalian ay natuldukan ang mahiwagang intensyon ng mga may kaso ng pandarambong sa senado. Pero teka, ‘di ba kasali rin si brader?
Nakababahala ang pahayag ng MWSS na nahaharap ang bansa ngayon sa krisis sa tubig na maiinom dahil nauubos na ang pondo ng tubig sa mga dam natin samantalang rainy season na. Parusa na kaya ito sa atin?
Mas naging makahulugan sana kung ang mga proyektong flood control ay sinaniban ng “water savings program” na matagal nang inirerekomenda sa gobyerno ng mga may kaalaman dito. Maari tayong gumawa ng “Drinking water reclamation system” na puwedeng ipondo sa ilalim ng mga binabahang kalsada upang maging alternatibong suplay ng tubig sa panahon ng krisis. Magagamit itong panlaba, pandilig at kung “properly filtered” ay maiinom din. Hindi kasi puwede ang ghost projects sa ganito, kaya malamang na hindi interesado ang mga mambabatas.
Namangha rin ang marami ng kunin ni PBBM si dating Albay Governor Joey Salceda bilang pinuno ng Presidential Legislative Liaison Office. Malapit na kaalyado ni dating President Gloria M. Arroyo si Salceda na lantaran ang naging suporta kay VP Sara sa panahon na iniimbestigahan ito ng QUADCOM sa kongreso. Naku ha?
Gumana na ang Commission on Appointment na dinaluhan ng magkabilang grupo ng mga mambabatas. Sinasala nila ang mga Presidential Appointees para malaman kung kuwalipikado ang kandidato sa mahahalagang posisyon. Pagtatanim daw ito ng “Utang na Loob” sa mga naging miyembro ng CA?. Sa ganyan nagsisimula ang padrino systems ng kahudasan na nagreresulta ng ghost projects. O ‘di ba? Tigilan na ninyo ‘yan!
- Latest


















