RJ BPC, Brownlee best import

MANILA, Philippines — Winalis ng Barangay Ginebra ang dalawang individual awards ng Season 50 PBA Commissioner’s Cup.
Hinirang si point guard RJ Abarrientos bilang Best Player of the Conference, habang nakamit ni Justin Brownlee ang kanyang ikaapat na Best Import trophy kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Ginawa ang awarding bago ang upakan ng Gin Kings at nagdedepensang TNT Tropang 5G sa Game Four ng PBA Finals.
Sinapawan ni Abarrientos para sa BPC award sina Robert Bolick ng NLEX at June Mar Fajardo ng San Miguel.
Dahil maagang nasibak ang Road Warriors at Beermen ay napasakamay ni Abarrientos, ang 2025 PBA Rookie of the Year, ang kanyang unang BPC award.
Bago mapili ng Ginebra bilang No. 3 overall pick sa 2024 PBA Draft ay sumalang muna ang pamangkin ni PBA legend Johnny Abarrientos sa Korean Basketball League (KBL) kung saan siya kinilalang 2023 Rookie of the Year habang naglalaro para sa Ulsan Hyundai Mobis Phoebus.
Umalis ang 26-anyos na si Abarrientos sa kanyang KBL team at lumipat sa Shinshu Brave Warriors sa Japanese B.League bago makuha ng Gin Kings sa PBA Draft noong 2024.
Samantala, inungusan ng 38-anyos na si Brownlee para sa Best Import award sina Chris McCullough ng TNT at Jaylen Johnson ng Rain or Shine.
Ang six-time PBA champion ay hinirang na Best Import noong 2018 Commissioner’s Cup, 2021 Governor’s Cup at 2023 Commissioner’s Cup.
Samantala, kasalukuyang naglalaban ang Gin Kings at Tropang 5G sa Game 4 habang sinusulat ito.
- Latest

















