^

Punto Mo

EDITORYAL - Dapat lang patalsikin si Barzaga

Pang-masa

NARARAPAT lang ang ginawang pagpapatalsik kay Cavite 4th District Rep. Francisco “Kiko” Barzaga. Matagal nang nangangailangan nang pag­lilinis sa Kamara de Representante. Sa botong 265 pabor sa pagpapatalsik kay Barzaga, ipinakita ng Kamara ang matapang na mensahe: ang Kongreso ng Pilipinas ay hindi content creation studio para sa pulitikong uhaw sa atensiyon sa social media.

Sa maikling panahon ni Barzaga sa puwesto, lantarang ‘nilaro’ niya ang mismong diwa ng pagiging­ mambabatas. Ang pagkakaroon niya ng isang “cat persona” at pagme-meow sa gitna ng sesyon ay hindi nakatutuwa; ito ay hayagang paglapastangan sa tiwa­lang ibinigay sa kanya ng constituents. Habang ang ibang kinatawan ay nakikipagbuno sa pambansang pondo at mga mabibigat na isyu ng taumbayan, mas pinili niyang mag-live stream nang walang pa­alam, gumawa ng mga inedit na larawan upang kut­yain ang liderato. Pinatunayan lamang nito na mas mahalaga sa kanya ang paghakot ng mga likes at reactions sa internet kaysa sa tunay na serbisyo publiko.

Ngunit ang kaso ni Barzaga ay higit pa sa pag-aasal-bata at kawalan ng propesyonalismo. Ang kanyang uri ng pamumulitika ay mapanganib. Sa likod ng kanyang mga nag-viral na video ay ang talamak na pagpapakalat ng pekeng balita at paninira. Walang habas siyang nag-imbento ng assassination plot sa loob ng Senado na nauwi pa sa pormal na reklamo mula sa National Bureau of Investigation. Ang kalayaan sa pagpapahayag ay hindi kailanman hindi dapat gawing palusot upang mag-imbento ng kasinungalingan at sumira ng reputasyon nang walang inilalapag na ebidensiya.

Maaaring ipagmalaki ni Barzaga na hindi siya nagnakaw, at ginawa lamang niya ang mga ito upang magsiwalat umano ng katiwalian sa kanyang kakaibang pamamaraan. Ngunit ang dalawang 60-day suspension na unang ipinataw sa kanya ay sapat na patunay na binigyan siya nang maraming pagkakataong magbago. Sa halip na matuto, ginamit niya ang mga naunang parusa upang lalo pang magmatigas.

Ang pagpapatalsik kay Barzaga ay tagumpay para maisalba ang dangal ng Batasan. Panahon na upang tapusin ang makabagong sakit ng troll poli­tics kung saan ginagamit ang posisyon para mang­gulo kaysa magsilbi sa taumbayan. Ang lehislatura ay espasyo para sa seryosong pamamahala, at walang puwang dito ang mga taong mas bagay maging­ social media vlogger kaysa mambabatas. Hindi­ kalabisan kundi tama lang na patalsikin ang mam­babatas.

FRANCISCO “KIKO” BARZAGA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with