Higit 200 loan app employees, timbog

Nagpanggap na pulis para makasingil
MANILA, Philippines — Mahigit 200 staff ng isang online lending collection firm ang inaresto matapos madiskubreng nagpapanggap na mga pulis upang takutin ang mga borrowers na magbayad sa Quezon City.
Sinabi ni National Bureau of Investigaton (NBI) Director Melvin Matibag, diskarte ng mga empleyado na magpakilalang pulis at gumagamit ng pekeng warrants at iba pang dokumento, para mapilitang magbayad ang mga may utang.
Sa isinagawang pagsalakay nitong Hunyo 1, 2026 ng mga ahente ng NBI gamit ang mga cyber warrant na inisyu ng Regional Trial Court, nasamsam ang mga text-blasting device, SIM card, mobile phone, at software na umano’y ginagamit para sa mass messaging at identity masking.
Kinumpiska rin ang mga pekeng advisory scripted threat, at mga pre-written messages upang magmukhang opisyal na inisyu ng Philippine National Police (PNP) at ng NBI.
Kabilang sa nasamsam ang mga larawan ng mga opisyal ng pulisya at iba pang digital na materyales, na umano’y ginamit upang palakasin ang iskema.
Nahaharap na ang mga suspek sa reklamong impersonation of law enforcers, illegal use of electronic devices, at falsification of documents.
- Latest

















