500 Manilenyo nabigyan ng ‘BINHI’
MANILA, Philippines — Aabot sa 500 Manilenyo ang benipisaryo ng Project BINHI o “Breaking Insufficiency through Nutritious Harvest for the Impoverished” ang nabigyan ng pagkakataong magkaroon ng pansamantalang hanapbuhay sa pamamagitan ng 20 araw na community gardening activities na naglalayong isulong ang food security, environmental awareness, at sustainable livelihood.
Nitong Huwebes, personal na dinaluhan nina Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at Vice Mayor Chi Atienza ang pamamahagi ng “BINHI” na ginanap sa Pedro Guevara Elementary School para sa mga benepisyaryo ng programa mula sa Baseco, Distrito 1, Distrito 2, kabilang ang mga PWD at solo parents.
Sa ilalim ng Project BINHI, bawat benepisaryo ay nakatanggap ng P695 kada araw, o kabuuang P13,900, bilang kabayaran sa kanilang partisipasyon sa programa.
“Kapag patuloy ang pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan at national government, ginhawa ang makakamit ng taumbayan,” ani Domagoso.
Pinasalamatan din ng alkalde ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa patuloy na pakikipagtulungan sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa mga programang nagbibigay-ginhawa at oportunidad sa mga Manileño.
Tiniyak din ni Domagoso na makararating nang buo at maayos sa mga benepisyaryo ang anumang tulong mula sa pambansang pamahalaan.
“Hangga’t ako ang Mayor at sa amin idinaan, kung piso ang ibinigay, piso rin ang makararating sa tao,” dagdag pa ng alkalde.
- Latest
















