QCPD, nanguna sa ‘UPER’ .
MANILA, Philippines — Muling pinatunayan ng Quezon City Police District (QCPD), sa pamumuno ni PBGen. Randy Glenn Silvio, ang mataas nitong antas ng serbisyo at kahandaan matapos makamit ang pinakamataas na Regional Unit Performance Evaluation Rating (UPER) para sa buwan ng Abril 2026.
Sa isinagawang pagsusuri ng National Capital Region Police Office (NCRPO), nagtala ang QCPD ng 99.72% na marka, dahilan upang manguna ito sa limang police district sa Metro Manila. Bukod sa QCPD, kabilang din sa limang police district ang Manila Police District, Northern Police District, Eastern Police District at Southern Police District.
Ipinakita ng naturang resulta ang patuloy na dedikasyon ng QCPD sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, mahusay na pagpapatupad ng batas, at dekalidad na serbisyo publiko para sa mga residente ng Quezon City.
Malaki ang naging ambag sa tagumpay ng distrito ng epektibong pagpapatupad ng iba’t ibang operational programs at police initiatives tulad ng SIT, ISAV System, Warrant Day Operations, at District Oplan Bulabog/Galugad. Nakatulong ang mga ito sa mas pinaigting na police visibility, crime prevention efforts, at mas agresibong kampanya kontra kriminalidad.
Ayon kay Silvio, ang pagkilalang natanggap ng QCPD ay bunga ng sipag, dedikasyon, at propesyonalismo ng bawat pulis at kawani ng distrito.
“Ang pagkilalang ito ay patunay ng sama-samang pagsisikap ng buong QCPD. Nagpapasalamat din tayo kay Mayor Joy Belmonte, sa ating partner agencies, at sa lahat ng QCitizens sa kanilang patuloy na suporta. Higit nitong pinatitibay ang aming pangako na pagbutihin pa ang aming serbisyo at panatilihin ang pinakamataas na antas ng pampublikong kaligtasan at pagpapatupad ng batas,” ani Silvio.
- Latest


















