6 miyembro ng ‘rent-tangay’ timbog sa HPG

Bahay ng vlogger bigong looban
MANILA, Philippines — Arestado sa operasyon ng Highway Patrol Group (HPG) ang anim na miyembro ng grupong sangkot sa “rent-tangay” matapos na mabigong looban ang bahay ng isang vlogger kahapon ng umaga sa Mabini St., Maypajo, Caloocan City.
Kinilala ang mga suspek na sina John Rhey Bautista, isang dismiss pulis dahil sa kasong grave misconduct; Jhon Paul Gamboa, suspendidong traffic enforcer ng Public Safety and Traffic Management Department ng Caloocan City Hall; Romie Soliman, 31, ng Brgy. Holy Spirit; Jennilyn Daray, 36, ng Silang, Cavite; Aldrin Burgos, 30, ng Tangos South, Navotas City at Mark Krismon Rusit, 35, na sinasabing team leader ng grupo.
Ayon kay HPG spokesperson PLt. Nadame Malang, ikinasa ang intel driven operation bandang alas-11:30 ng umaga kung saan lolooban sana ng nasabing grupo ang bahay ng isang vlogger.
Nang matunugan ang mga awtoridad sa lugar, sinubukang tumakas ng mga suspek gamit ang dalawang sasakyang “ni-rent-tangay” na tinakpan pa ng pekeng plaka.
Bumunot ng baril si Gamboa kaya napilitang gumanti ng putok ang mga pulis at tinamaan ito sa kanang binti.
Lumilitaw rin na ang grupo ang responsable sa pambubudol sa isang senior citizen sa pamamagitan ng ‘Birthday Cake Modus’ sa Novaliches, Quezon City kamakailan.
Narekober ng pulisya ang dalawang baril, granada, mga ID at dalawang sasakyang “ni-renttangay”. Isang buwang minanmanan ng HPG ang grupo hangggang ikasa ang operasyon.Tinitingnan na rin ng HPG ng pagkakasangkot ng nasabing grupo sa iba pang insidente sa Region 4A at Region 3.
Nahaharap ang nasabing mga suspek sa frustrated robbery, Anti-carnaping Law at Comprehensive Ammunition and Regulation Act.
- Latest


















