5 drug suspects timbog sa buy-bust ng QCPD
‘MANILA, Philippines — Naaresto ng Quezon City Police District (QCPD) ang limang hinihinalang drug suspects kung saan nasamsam ang aabot sa P159,222 halaga ng shabu sa magkahiwalay na buy-bust operations kahapon ng umaga.
Sa report ni QCPD- District Drug Enforcement Unit chief PMaj. Elvin Ballesteros kay QCPD Director PBGen. Randy Glenn Silvio, kinilala ang mga suspek na sina alyas “Catherine”, 43, at “Jhon Mark”, 28, kapwa residente ng Brgy. Paltok, Quezon City.
Ayon sa ulat, nagsagawa ng buy-bust operation ang DDEU bandang alas-6:45 ng umaga noong Mayo 1, 2026, sa Ilagan St., Brgy. Paltok. Isang pulis ang umaktong poseur-buyer at nakabili ng P500 halaga ng ilegal na droga mula kina Catherine at Jhon Mark. Agad silang inaresto matapos ang transaksyon.
Nakumpiska mula sa kanila ang 15.72 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P106,896, isang pouch, cellphone, at buy-bust money.
Lumabas sa beripikasyon na may nauna na silang kaso sa ilalim ng Republic Act 9165.
Sa hiwalay na operasyon ng Project 4 Police Station (PS 8) sa pamumuno ni PLtCol Brian Jaime, naaresto sina alyas “Mark”, 19, residente ng Antipolo City; “Lee”, 18 at “Allan”, 52, residente ng Brgy. Escopa III, Quezon City, bandang alas-11:03 ng gabi noong Abril 30, 2026, sa P. Burgos Street, Brgy. Escopa III.
Nasamsam mula sa kanila ang 7.695 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P52,326, coin purse, cellphone, at buy-bust money. Narekober din mula kay Mark ang isang .45 caliber pistol na may magazine at tatlong bala.
Haharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165, habang karagdagang kaso sa ilalim ng Republic Act 10591 ang isasampa laban kay Mark.
Iginiit ng QCPD ang pagpapatuloy ng pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga at hinikayat ang publiko na i-report ang mga kahina-hinalang aktibidad sa E911 o QC Helpline 122MANILA, Philippines —
- Latest





















