PNP driver at supervisor sa EDSA busway crash, ni-relieved

MANILA, Philippines — Sinibak na sa puwesto ang pulis na driver ng PNP Coaster matapos masangkot sa aksidente sa kahabaan ng EDSA noong Biyernes, April 17, 2026.
Ayon kay PNP Logistics Support Service (LSS) Director BGen. Niel Vallo, sinibak na sa puwesto si Police Chief Master Sergeant Jenifer Bredico gayundin ang kanyang immediate supervisor bilang bahagi ng umiiral na “zero tolerance” at “no sacred cow” policy ng PNP.
Batay sa imbestigasyon, ang PNP-marked coaster ay bahagi ng “Hatid Pasahero” program at pinayagang dumaan sa busway. Ngunit lumalabas na nagkaroon ng pagkakamali sa pagmaniobra ng sasakyan matapos umanong magbago ng lane mula sa ika-apat na linya patungo sa bus lane area, dahilan ng insidente.
Sa ilalim ng administrative investigation pinagpapaliwanag si Bredico at kanyang immediate supervisor sa naging pangyayari.
Humarap kahapon sa National Police Commission (NAPOLCOM) si Bredico at humingi ng paumanhin sa kanyang ginawang pag-swerve na nauwi sa banggaan ng bus at coaster ng PNP.
Paliwanag ni Bredico, normal lang ang kanyang takbo noong araw na iyon ngunit napilitan siyang mag-swerve upang kunin ang mga pasaherong stranded sa Main Avenue.
Subalit sinabi ni NAPOLCOM Commissioner Rafael Calinisan na “flimsy” o mahina ang paliwanag ni Bredico. Nagpakita rin ito ng masamang asal nang magpakita ng galit gayong siya ang may kasalanan.
Magsasagawa pa rin ng motu proprio investigation ang Inspection, Monitoring and Investigation Service (IMIS) ng Napolcom laban kay PCMS Bredico.
Pinaalalahanan naman ni PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez, Jr. ang kanyang mga tauhan na maging huwaran ng propesyunalismo at disiplina sa publiko.
Sinabi ni Nartatez na ang pagpapatupad ng disiplina sa loob ng organisasyon ay hindi para magparusa kundi upang itama ang mali, gabayan at panatilihin ang dangal gayundin ang integridad ng pulisya.
- Latest















