Digital governance ibinida ng Malabon sa Japan conference
MANILA, Philippines — Ipinagmalaki ni Malabon City Administrator Dr. Alexander T. Rosete ang mahusay na pamamahala ng lungsod sa digital governance sa 17th International Conference on E-Education, E-Business, E-Management at E-Learning na ginanap sa Fukuoka, Japan mula Abril 1 hanggang 4, 2026.
Sa ginanap na conference, iprinisinta ni Rosete, “Digitalizing Governance: Implementing a SMART City Framework for Enhanced Public Services and Citizen Engagement in Malabon,” kung saan ipinakikita ang integrasyon ng teknolohiya sa paghahatid ng mahahalagang serbisyo sa lungsod.
Ayon kay Rosete, ang isang “smart city” ay hindi lamang tumukoy sa advanced na teknolohiya, kundi sa pagiging epektibo sa mga pagbabagong ito na nagpapabuti sa buhay ng mga mamamayan.
Para sa developing cities tulad ng Malabon, sinabi niya na ang tunay na hamon ay nakasalalay sa pagtiyak na ang digital solutions ay nakasentro sa mga tao, inklusibo, at tumutugon.
Sa kanyang presentasyon, binigyang-diin ni Dr. Rosete ang digital initiatives ng pamahalaang lungsod, kabilang ang Malabon Ahon Blue Card (MABC), isang flagship program ni Mayor Jeannie Sandoval na nag-streamline sa paghahatid ng mga serbisyong panlipunan kabilang ang Burial and Hospitalization Assistance, at Eskwela Savings Project.
- Latest
















