5 timbog sa pagnanakaw ng underground internet cable

MANILA, Philippines — Timbog ang limang indibidwal na naaktuhan sa pagnanakaw ng mga kableng tanso ng telecommunications company, sa ilalim ng kalsada sa Parañaque, Linggo ng madaling araw.
Sa ulat ni Parañaque City Police Station chief, PCol. Nicolas Pinon, dakong alas-4:50 ng madaling araw ng Marso 22, nang maaresto ang mga suspek na sina alyas “John John”, “Roel”, “George”, “Bryan”, at “Adrian”, habang hinahatak mula sa imburnal ang mga kable sa KM 17 West Service Road, Brgy. Marcelo Green, sa nasabing lungsod.
Nabatid na napansin ng isang security officer ang kahina-hinalang kilos ng mga suspek sa isang nakaparadang sasakyan, na natuklasang may hinihilang mga kable, kaya agad ini-report sa zone commander na agad humingi ng responde sa pulisya.
Sa pakikipagtulungan ng security personnel ay matagumpay ang pagdakip sa mga suspek.
Rumesponde ang pulisya, kasama ang mga tauhan ng nakasasakop na barangay na nadatnan pa ang aktwal na pagnanakaw ng kable.
Narekober mula sa mga suspek ang mga bahagi ng mga kable ng tanso sa ilalim ng lupa na may katumbas na P201,218.64, mga cutting tool, at isang utility vehicle na gamit ng mga suspek.
Isinailalim na sa inquest proceedings ang mga suspek sa reklamong paglabag sa Republic Act 10515 (Anti-Cable Television and Cable Internet Tapping Act of 201).
- Latest
















